PINAKULUANG SAHING SA PANAHON NG DELUBYO

PINAKULUANG SAHING SA PANAHON NG DELUBYO

September 8, 2019 | Archives | No Comments

A solo exhibition by Catcat Mendoza

Ang mga obrang tampok sa “Pinakuluang Sahing sa Panahon ng Delubyo” ay mga anyong hinubog mula sa luwad. Para sa isang tagapaglikhang-sining na gumagamit ng nasabing materyal, isang personal at maingat na proseso ang paglilinang nito mula sa krudong lupa. Masasabi na ang partikular na timpla ng isang manlilikha ay kabahagi ng pagkakakilanlan niya bilang isang manlililok. Para sa kanya, isang pagsasanay ang pagpapalitaw ng mga natatanging katangian ng luwad sa layon na magbigay-hugis sa kanyang ekspresyon. Kakabit nito ang masusing pag-aaral ng lupa — ng mga pisikal at kemikal na kiyas nito.

Sa praktika ni Catcat Mendoza, ang pag-aaral na ito ay may kalakip na mga salaysay ng danas. Ang isla ng Mindoro ay ang lugar kung saan siya nanirahan at naghasa ng kanyang kakayahang humubog ng obrang luad. Dito, kasamang nauungkat sa kanyang paghahanap at pagtitipon ng materyal ang iba’t-ibang kuwento mula sa mga taong kanyang nakakasalamuha. Ang mga kuwentong ito ay mahigpit na nakakawing sa madalas na masalimuot na kuro-kuro sa lupa, kabuhayan at karapatan. Ang mga ito rin ay nakakabit sa buhay niya at pati na rin ng mga malalapit sa kanya. Ito ay ang kanyang direktang karanasan ng reyalidad sa mga kanayunan na siyang umaalingawngaw lamang sa mga kalungsuran bilang mga abstraktong sapantaha. Ang mga reyalidad na siya ring bunga ng isang kaayusang pulitikal na ang pundasyon ay tubo, karahasan at ‘di pagkapantay-pantay.

Itinuturing ng eskultor na mga personal na tala ang kanyang mga obra. Bawat piyesa ay mga pinaghabing kuwento at karanasan na binigyang-hugis gamit ang putik at apoy. Nagsasalaysay sila ng pag-usbong ng buhay at pag-aruga; gayundin ng kirot, sigalot at kamatayan. Ang mga pangyayaring ito ay tumatak sa kanyang alaala dahil sa angkin nitong bigat o kaya’y hatid nitong mangha. Kanyang isinalin ang mga ito sa anyong sining sa pamamagitan ng malayang paggamit at paglalangkap ng iba’t ibang imahen at simbolismo. Ang mga representasyong nabuo ay maaaring tignan bilang bunga ng ritwal sa pagbibigay kahulugan sa mga pinagdaanan. Gayundin, ang mga ito ay mga pagsipat din sa hinaharap. Marahil ang kanyang mga likha ay mga muhon na nagsisilbing mga palatandaan sa mga aral na kanyang napulot sa landas na kanyang tinatahak — mga mumunting bantayog na pinagmumunihan ang mga reyalidad na balang araw ay kakaharapin.

Gaya ng pagyabong ng puno mula sa lupa, ang ating kamalayan ay hinuhugis ng lugar kung saan tayo ay napapadpad. Ang pagnanais ni Mendoza na lumayo sa kalungsuran ay isang desisyon upang maghanap ng kapayapaan at magkaroon ng puwang para tuklasin ang sarili sa pamamagitan ng sining. Ngunit napagtanto niya na ang katahimikan na kanyang nadatnan sa bayan ng Mamburao ang siya rin mismong lumulunod sa mga alingasngas na nanggagaling sa mga kabukiran, kakahuyan, kabayanan at mga pampang. Ang kaluskos ng ligalig ang tumiim sa kanyang malay. May pagkabalisang nakakintal sa kanyang mga likha.

Gayunpaman, tanging sa pagkakasikil o pagkasugat lamang nanggagaling ang landas patungong paglaya at paghilom. Hinahalintulad ni Mendoza ang kanyang proseso sa paglilinang ng dagta mula sa punong sahing. Mula sa isang sugat, ito ay nagiging tanglaw sa gabi ng mga katutubong Mangyan ng Mindoro. Kaya naman, maituturing ang mga obrang ito bilang mga pagsasalarawan ng pagdadalumat niya sa landas na kanyang kakaharapin sa panahong ito ng delubyo. Kanyang hinahandog ang mga karanasan at kuwentong ito sa pamamagitan ng paggawa ng sining. Ito ay mga paanyaya na kilalanin ang ating mga pinagsasaluhang sugat sa layon na mabatid natin ang landas patungo sa paghilom.

Words by Mark Sanchez

About Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *